JunLana,blogspot.com
Sabi ng friends ko magpalit na raw ako ng cellphone. Bakit kaya?

Hahaha. Cellphone ko yan 5 years ago. Sobrang favorite ko kaya tago-tago ko pa. Yung gamit ko ngayon, medyo jurassic na rin. Hindi talaga ako mahilig magpalit ng model. Hindi rin ako mahilig mag text. O mag-check ng text. Bilib nga ako sa mga taong pag tinext mo, nakakasagot agad. Eh ako madalas nasa bag ang cellphone, naka-silent pa.
Dati, gigil na gigil sa akin si Mother Lily pag hindi ko nasasagot agad ang tawag niya. Eto yung panahon na lima-lima ata ang cellphones ni Mother. Minsan sa gitna ng meeting namin, sabay-sabay na magri-ring lahat. Sabay-sabay niya ring kakausapin. Yung isang kausap, maririnig mo, minumura niya. Yung isa, kinakantahan ng happy birthday. Siyempre meron din siyang ini-Instik. Tapos minsan magri-ring din yung landline, at sasagutin niya rin yun. Mamaya gulung-gulo na siya kung sino ang kausap niya. Yung may birthday minumura na niya, at yung kaaway kanina bigla na niyang kinakantahan.
Nung bata ako, sobrang traumatic sa akin ang paggamit ng telephono. Hiwalay ang parents ko, at araw-araw pag bakasyon, Lunes hanggang Biyernes, ako ang inuutusan ng mommy kong tawagan ang daddy ko sa office para humingi ng pera. Sasabihin ng daddy ko, walang pera. Pagbalik ko sa mommy ko, magagalit siya. Tawagan mo uli ang daddy mo at sabihin mo sa kanya, ang dami niyang kotse tapos wala siyang pera? Gago siya, gago, gago! At para eksakto ang sasabihin ko, isusulat pa ng mommy ko sa papel lahat ng pagmumura niya sa daddy ko para basahin ko sa telepono. Alangan namang hindi ka sumunod. Eh di babasahin ko yun sa daddy ko. Papa, sabi ni mama gago ka raw. Gago, gago, gago… po. At least magalang di ba? Saka walang emotion para maintindihan ng daddy ko na hindi ako ang kaaway niya.
Kaya isa sa favorite actresses ko si Jacklyn Jose. Nakaka-relate ako sa underacting technique niya. 8 years old pa lang ako na-master ko na yun. Pa, hayup ka raw. Magsama daw kayo ng kabit n’yo sa impiyerno… po. Siyempre kahit anong galang ko, magagalit din ang daddy ko. At mumurahin niya rin ang mommy ko. Ma, sabi ni Papa gaga ka rin daw. Gaga, gaga, gaga… po. Eh di lalong titindi ang away. Talo pa nila ang nagpi-pingpong. Ako yung bola.
Buti sana kung may sarili kaming telepono. Kinse minutos ang nilalakad ko papuntang palengke para lang makitawag. Hindi ako pwedeng mag-tricycle kasi sakto lang sa pambayad sa telepono ang dala kong pera. Imagine, trenta minutos ang roundtrip. Nakakailang balik ako, at minsan tinatakbo ko pa pag tanghali para maabutan ang daddy ko bago mag-lunch break. Minsan gusto ko nang mag-collapse sa sobrang pagod at ngarag. Kaya hate ko ang bakasyon nung elementary ako.
Pero in fairness, dahil sa training na yun, tuwing may sportsfest sa school, ako ang laging pambato pag may marathon.
Ambilis ko kayang tumakbo.
No comments:
Post a Comment